Nanay at Kanyang Sanggol, Hindi Nakaligtas sa Hagupit ng Lindol sa Mindanao



Nagulantang ang buong bansa sa kaawa-awang sinapit ng mga biktima ng lindol na naganap sa Mindanao. Niyanig ng matinding lindol ang iba't-ibang parte ng Mindanao nitong nakaraang Miyerkules, October 16. Sa kasamaang palad, bukod sa mga nasirang ari-arian, may mga tao ding hindi nakaligtas sa matinding hagupit ng lindol.

Ang magnitude 6.3 na lindol ay naramdaman sa ilang parte ng Mindanao, tulad ng Davao del Sur, General Santos, at North Cotabato. Naramdaman ang lindol ng 7:37 ng gabi, kung kaya't mas lalong nahirapan ang mga tao na mag-evacuate at pumunta sa ligtas na lugar.



Ayon sa opisyal na pahayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang epicenter o sentro ng lindol ay 22 kilometers southeast ng Tulunan Town sa North Cotabato. Ang pinakamalakas na pagyanig na itinala sa Intensity 7 ay naramdaman sa Kidapawan City, Tulunan, at M'Lang Town sa North Cotabato.


Maraming gusali at establisyimento ang naapektuhan ng lindol. Inilarawan ng Phivolcs ang lindol bilang destructive, o labis na mapaminsala. Ang lindol na ganito kalakas ay kayang-kaya magpatumba ng mga mabibigat na bagay. Bukod pa dito, kaya rin nitong magdulot ng pinsala sa mga lumang gusali o establisyimento na mahina ang pundasyon.



Ayon sa report, tinatayang apat na ang binawian ng buhay dahil sa lindol. Kabilang dito ang isang nanay at kanyang sampung buwang gulang na sanggol mula sa bayan ng Magsaysay, Davao del Sur. Hindi nakaligtas ang mga biktima matapos madaganan ng falling debris.


Mahigit sa 30 rin ang naitalang sugatan dahil sa lindol. Sa ngayon ay suspendido ang klase sa maraming lugar at pinagtutuunang pansin ng gobyerno ang page-evacuate sa mga residente. Marami sa kanila ang nababahala sa tsunami na maaaring idulot ng lindol, ngunit walang inihayag na tsunami alert ang Phivolcs.

Sa ngayon, tinatayang sinundan ng mahigit sa 100 aftershocks ang nasabing lindol.

Nanay at Kanyang Sanggol, Hindi Nakaligtas sa Hagupit ng Lindol sa Mindanao Nanay at Kanyang Sanggol, Hindi Nakaligtas sa Hagupit ng Lindol sa Mindanao Reviewed by Publisher on October 17, 2019 Rating: 5